Utot Catalog - Ang Pinakamagandang Treasurer sa Balat ng Lupa HD

30.07.2015
ANG PINAKAMAGANDANG TREASURER SA BALAT NG LUPA Taon-taon noong nasa elementarya ka, pasikreto kang umasa na may magnonominate sa’yo na maging muse ng klase. Pero napagkasunduan nilang lahat na mas pang-Treasurer daw ang ganda mo kaya wala ka nang nagawa kundi maging tagabilang na lang ng pera habang ang mga kababata, ang binibilang, mga nakaw na ngiti at sandali sa likod ng estatwa ni Rizal sa History Park. Para sa prom mo nung high school, ipinagrenta ka ng gown ng nanay mo, ‘yung tinadtad ng isang milyong glitters, ‘yung tipong mahihiya ‘yung disco ball ‘pag umapak ka na sa dancefloor. Pero, natapos ang gabi, naluma lang ang kislap ng mga gawa-gawang bituin sa’yong damit sa ningning ng mga artistahing kaklase. Natapos ang gabi, nagpawis lang ang mga hita kaka-upo, kakahintay ng mag-aalok ng isang sayaw. Kahit isa lang, para naman may maikwento ka sana sa’yong nanay na naghihintay sa bahay. Para sa’yong debut, nagmistulang grand family reunion. Paano ba naman ang 18 roses mo, kung hindi pinsan, tiyuhin, o mga kuya mo. ‘Di raw kasi makakapunta si Michael, may liga. O ligaw. ‘Di mo na lang inalam. Nang magtrabaho na, nangarap kang baka sakaling ito na ‘yun, makakapatid ka na ng isang prince charming. ‘Yung kamukha ni Gabby Concepcion sana. Kaya nagpakabait ka, nag-diyeta, nagrosaryo gabi-gabi. Gumamit ng sabong kulay, amoy, hugis papaya. E pilosopo ang tadhana, tatay ko ang nakapatid sa’yo. Boom, buntis. Isa, dalawa, tatlo, hala may isa pa, tapos biglang lima! Wala, nabaon na sa limot ang pangarap mo na maging muse, o prom queen, o makakilala ng prince charming. Nawala na lahat ng panaginip dahil ‘di ka na rin marunong matulog, laging puyat sa labada at platong hugasin. Ang tangi mo na lang hiling araw-araw ay sana ‘di lata ang sinaing, sana ‘di mabitin ang adobong maputla, sana ‘di ako mag-shift uli ng kurso, sana ‘wag munang maubos ang gasul, o ang iyong pasensiya, sana katrabaho lang talaga ni papa ‘yung kasama niya sa litrato. E hindi. Sabi ng mundo, ma’am ‘di ka naman ganun kaganda bakit po ba nagugulat pa kayong sinasaktan ka nila. At pinaniwalaan mo ‘to, kasi nga buong buhay mo, ipinamukha naman sa’yo ng pagkakataon na ‘di ikaw ang pinaka-marikit, mayuming paraluman sa balat ng lupa. At dahil dito, nasanay ka nang magtiyaga sa kung anong itsura ng ligaya ang ihahain sa’yo. Hindi ka nila ginawang muse, sige. Hindi ka nila pinansin noong prom, sige. Hindi siya pumunta sa debut mo, sige. Ninakaw ka ng tatay ko sa pangarap mong makakakilala ng prince charming, sige. Hindi pala buo ang pamilyang pinag-ubusan mo ng tatlong dekada, sige? Hindi pa rin pala sapat ang ganda mo para sa kanya, sa kabila ng lahat ng tinalikuran, kinalimutan at tiniis, sa kabila ng ilang libong tupi ng bilbil na inani, sa kabila ng ilang libong wrinkles na napala, sige? Sige pa rin, ma? Hindi ba pwedeng, tama na? Hindi ba pwedeng, maniwala ka naman sa’kin ma, na maganda ka. Na sobrang ganda mo. Na ikaw ang pinak

Похожие видео

Показать еще